Posted in College, Personal, Relationships

#AmareEtServire: Pasasalamat

This post is written in a mix of Filipino and English. I apologize to those who cannot understand this. I really feel more comfortable writing in Filipino. You can ask for a translation, just post a comment,

~

Itong blog post na ito ay produkto ng pagmumuni-muni kagabi, matapos ang Commitment Night.

Sa mga nakakakilala sa akin bago ako unang pumasok sa Campus Ministry (CM) Office ng Parish of the Holy Sacrifice sa UP Diliman, alam ninyong matindi at importante ang desisyon na kailangan kong gawin. Sa mga hindi nakakaalam, heto ang kailangan kong pag-isipan: kailangan kong megdesisyon kung ipapagpatuloy ko ba ang aking buhay kolehiyo sa UP, o lilipat ba ako sa De La Salle University – Dasmariñas. Tila hindi na kasi ako masaya sa UP dahil pinahihirapan ako nito nang husto. Hindi ako makapasok sa eskuwela  hanggang humahantong sa pagfa-file ng leave of absence (LOA) kada semestre.

Pakiramdam ko noon na wala akong direksiyon sa buhay, kahit na linggo-linggo kaming nagkikita ng mga kaibigan ko sa UP Campus Feast at araw-araw ay may kausap akong kaibigan sa Facebook. Tila hindi pa rin nasasagot ang mga tanong ko, na tila hindi pa sila sapat. Don’t get me wrong, mahal ko ang mga kaibigan ko. Kaya lang, parang may kulang e. Kaya noong inimbita ako ni Kuya Josh, kaibigan ko sa Feast, na sumali sa choir ng CM, sabi ko na susubukan ko. Inisip ko nang pagkakataon na iyon para mapapalapit sa Diyos, lalo na’t dumating na sa buhay ko na hindi ako naniwala sa Kanya. Tutal, pangarap kong mapabilang sa choir.

Noong unang araw ko sa CM, which was September 14, 2016, tinanong ako kung gusto ko ba raw magpa-orient. Sabi ko hindi ko alam, gawa ng baka nga lumipat ako ng eskuwelahan. Pero kahit hindi ako nagpa-orient, patuloy akong pumupunta sa CM. Naging ugali ko na ang pagpunta sa CMO, at nakibahagi ako sa mga gawain sa CM. Naging masaya ako CM, sobrang saya.

Dumating ang panahon na nagkapag-Commitment Rites (renewal of commitment para sa mga matagal na volunteers na) ako noong refounding anniversary ng CM. Sobrang saya ko noon, dahil noong weekend na yoon, Kerygma Conference din. Sobrang saya talaga! Finally, naka-commit ako. Ibig sabihin, hindi na ako lilipat ng eskuwelahan, gawa ng napagdesisyunan ko nang maging volunteer sa CM. Simula noon, napuno ako ng saya.

Ngayong enrolled ako, medyo nahihirapan pa rin ako sa mga gawain sa eskuwela. Pero nandiyan ang pamilya ko sa CM, pati na rin ang office (kung saan ako produktibo), para tumulong sa akin. Kaya lang, hindi ko na talaga kinakaya e. Kaya nag-apply na ako ulit ng LOA para sa semestreng ito. Halos wala namang nasayang sa mga effort ko, pero sayang pa rin. Kung hindi kasi ako mag-a-apply para sa isa na namang LOA, babagsak ako. Sa madilim na bahaging ito ng buhay ko, nandoon ang pamilya ko sa CM na pinapasaya ako, kahit na may kababawan ito. Kahit papaano, napapangiti pa rin ako.

Ngayong nakapag-Commitment Night (with the formal rites) na ako, sabi ko sa sarili ko na kahit anong mangyari, hindi ko susukuan ang UP. Mahirap ang buhay sa UP, kaya ang laki ng pasasalamat ko sa bago kong pamilya. Ngayon, alam kong hindi lang ako ang nahihirapan sa eskuwela. Pero kahit na hirap na hirap na kaming lahat sa eskuwela, natutuwa ako dahil nakikita ko ang commitment ng lahat sa paglilingkod sa Diyos at sa bayan Niya. Doon ako natuwa nang husto: sa commitment ng lahat. Kasama na rin ang pakikisama sa lahat, siyempre. Hindi perpekto ang mga pagkakaibigan namin, pero wala namang perpekto sa mundo natin. Lalo akong nauudyok na maglingkod sa Diyos tuwing nakikita ko silang nagtatrabaho para sa CM.

Sa pagmamahal at paglilingkod namin sa Diyos at sa bayan, lalong napapagtibay ang aking pananampalataya sa Diyos. Lagi ko na ring naaalala na hindi ako pababayan ng butihing Diyos. Lalo rin akong nahihikayat na aralin ang Kanyang Salita at ang mga bagay-bagay tungkol sa pananampalataya ko bilang Katoliko. Natutuwa ako na kahit galing ako sa Catholic school, marami pa rin akong natututunan na bago tungkol sa Catholic faith. Ang saya lang talaga. Ang karamihan, kung hindi lahat, ng kasiyahan ko sa eskuwela ay gawa ng CM.

Sobra-sobra talaga ang pasasalamat ko kay Lord at hinayaan niyang dalhin ako ng mga paa ko sa office ng CM, kahit na naagdalawang-isip akong tumugon sa invite sa akin ni Kuya Josh na sumali sa choir ng CM. Kahit na gusto kong mag-choir, parang ayaw ko pa noong mag-commit sa kahit anong bagay. Hindi nga ako noon naka-commit sa pag-aaral e, gawa ng naka-LOA ako. Pero gumagawa talaga ng paraan ang Diyos para mapabuti tayong lahat; tinutupad Niya ang kanyang pangako sa atin. Ang galing ni Lord, ano?

Ang laki rin ng utang na loob ko kay Kuya Josh, gawa ng siya ang ginawang instrumento ng Diyos para dalhin ako sa CM. Kaya Kuya Josh, salamat! Alam kong alam mo na sobra-sobra ang pasasalamat ko sa’yo, at hindi ako magsasawang pasalamatan ka.

Hindi kami perpekto sa CM, wala namang perpekto sa mundo. Kahit na malapit pa ang sinuman sa Diyos, may mga kapintasan pa rin ang mga ito. Pero dahil sa perpektong pag-ibig ng Diyos, nagagawa namin ang mga bagay na hindi namin inaakalang kaya naming gawin sa CM. Kaya labis kong nararamdaman ang pasasalamat ng lahat ng kasama ko sa CM para sa mga biyaya (at kahit pasanin) na binibigay ng Diyos sa amin. Sobra lang dn talaga ang nararamdaman kong pagmamahal ng mga kasama ko sa CM sa ating Diyos. Sa sobrang mahal nila si Lord, naglilingkod sila nang buong puso. Humahanga ako sa kanilang lahat!

Sobra ang pasasalamat ko sa Diyos at binigyan Niya ako ng pagkakataong paglingkuran Siya at ang Kanyang bayan sa pamamagitan ng CM. Ang saya ko dahil sa wakas, magagamit ko ang mga talento at kakayahan ko sa mga makabuluhang bagay. Ang saya lang, diba? Parang nakita ko na rin ang purpose ko sa buhay. O diba, two birds in one stone!

Ang saya na nararamdaman ko ngayon ay hindi perpekto gawa ng mga problema ko. Pero nababawasan ang lungkot ko talaga dahil sa CM. Sobra kong mahal ang aking mga kapwa volunteers. Hindi ko ma-imagine ang buhay ko nang wala sila.

~

Ama, pinupuri Kita dahil sa Inyong pagiging butihing Diyos. Pinupuri kita dahil sa Inyong perperktong pag-ibig sa akin at sa kapwa ko. Pinupuri kita dahil dapat lang na purihin Kita, isang mabuting Diyos na alam ang aking mga ninanais at ang aking mga kinakailangan.

Patawad po sa lahat ng aking mga sala sa Inyo at sa kapwa ko. Patawad po, lalo na po sa mga pagkakataong nalilimutan kong nandiyan Ka, nagmamahal at nagbabantay sa akin. Patawad po para sa aking pagkalimot sa Inyo. Ngunit sa kabila ng aking mga pagkakasala, minamahal Niyo pa rin ako. Kaya Lord, maraming salamat.

Maraming salamat dahil noong nawawalan na ako ng pag-asa, dinala niyo ako sa Campus Ministry. Muli akong nabuhayan ng loob sa CM, at muli akong natutong mangarap at maglingkod. Lord, salamat at binigyan Mo ako ng mga matitiyaga, masisipag, at mapagmahal na pamilya. Maraming salamat at dinala mo ako sa mga taong makakaimpluwensiya sa akin na paglingkuran Ka at ang Iyong bayan. Maraming salamat, dahil hindi mo kami pinababayaan sa CM. Lord, ako ay nagpapasalamat para sa itinanim Ninyo sa amin na pagnanais na maging lingkod Ninyo. Salamat sa mga pinahiram Ninyong mga talento at kakayahan para magamit namin sa paglingkod sa Inyo. Maraming salamat sa lahat, Lord. Hindi ako magsasawa sa kakasabi ng “thank You” sa inyo.

Sana po ay patuloy Ninyo kaming mga lingkod Ninyo sa CM gabayan at biyayaan ng pagpapasensiya, pagmamahal sa kapwa, at paghahangad na ialay ang aming mga sarili sa Inyo. Lord, gabayan Ninyo kami sa aming mga gawaing pang-eskuwela, bilang na sa kolehiyo na kami. Bigyan Ninyo po kami ng lakas ng loob na harapin ang bawat araw na may pusong puno ng pag-asa. Tulungan Ninyo rin po kami na ibahagi sa buong unibersidad ang Inyong kabutihan at pagmamahal, kahit ito man ay sa simpleng pagiging mabuting tao lang. Tulungan Ninyo po kaming maging masunurin sa Inyong plano para sa amin. Sana po ay ituro Ninyo sa amin ang mga kagustuhan ninyo para sa amin. Sana po ay lagi Ninyong ipaalala sa amin na mahal Ninyo kami, maging ito man ay idaan Ninyo sa amin bilang isang mensahe, isang biyaya, o isang tao na makakapagpabago sa aming mga buhay. Lord, gabayan Ninyo po kami lagi sa araw-araw.

Maria, aking ina, ibulong ninyo sa inyong butihing Anak ang aking mga hinaing at hiling. Tulungan niyo po akong magdasal, Ma.

Ang lahat ng ito ay hinihiling ko sa ngalan ng Inyong Anak na si Hesus, kasama ng Espiritu Santo. Amen.

Ama namin, sumasalangit Ka, sambahin ang ngalan Mo. Mapasaamin ang kaharian Mo, sundin ang loob Mo dito sa lupa, para nang sa langit. Bigyan Mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw araw. At patawarin Mo kami sa aming mga sala, para nang pagpapatawad namin, sa mga nagkakasala sa amin. At huwag Mo kaming ipahintulot sa tukso, at iadya Mo kami sa lahat ng masama. Amen.

Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya. Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo. Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat, at pinagpala naman ang iyong Anak na si Hesus. Santa Maria, ina ng Diyos, ipanalangin mo kaming mga makasalanan. Ngayon at kung kami’y mamamatay. Amen.

Luwalhati sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo! Kapara ng sa unang-una, ngayon at magpakailan man, magpasawalang-hanggan. Amen.